Sanaysay | Kultura: Naiiba Pero Nagiging Isa


 by Cristy L. Casipe, West Visayas State University Lambunao Campus

“Hello!”, “Kamusta ka?”, iba-ibang lengwahe, iba’t ibang kultura. Simula sa pagkabata dala-dala hanggang sa pagtanda, bawat henerasyon meron mang pagkakaiba nagiging dahilan parin ng pagkakaisa.

Pasalin-salin mula sa isa patungo sa karamihan, mga tradisyong inimbag, pinalaki at pinayaman. Galing man sa sinaunang tao hanggang sa modernong mundo, kultura ng bawat isa ay nakaukit na at hindi ito mawawala.

Nagmula sa impluwensya ng mga katutubo at naidala sa modernong panahon, mula sa mga nakaugalian, pagpapakita ng respeto hanggang sa pananamit at pagluto ng pagkain. Mga tradisyon na dala ng mga ninuno at ngayo’y nailimbag na at patuloy na ginagamit ng bawat isa, pagpapahalaga nito at pagpapaunlad ay naging responsibilidad ng mga naiwan na patuloy na ipinapadaloy ang agos ng kulturang sumasalin-salin simula pa noong una. Ipinagtagpi-tagpi man ito galing sa isang mananakop at naihalo sa buhay ng katutubo, tulad ng mga tanim ito’y patuloy na tumutubo at ang patunay na pagsibol nito ay ang patuloy napag-obserba ng mga tao sa makabagong panahon.

Pilipinas, maraming isla, iba-iba rin ang kultura. Hindi man mayaman ang bansa sa pera pero maipagmamalaki ang mayabong at naiibang kultura. Saan ka man mapunta mula Batanes hanggang Jolo ay mabibigla ka sa kung paano ang isang isla ay naiiba ngunit may isang nangingibabaw na lahat ay mayroon. Kilala ang bansa sa pagiging masayahin, ordinaryong araw, umulan o bumagyo, ang isang Pilipino ay nakangiti pa rin. Masasabi mong parte na ito ng kultura natin ‘pagkat mula noon hanggang ngayon nakaugalian na ito kahit pa ng mga ninununo natin.

Samatala, ang modernisasyon ay minsan hindi rin maganda ang dulot sa kulturang naipamana. Marami na ang nalimot at mistulang naibaon na sa hukay at hindi na makita. Maaring dulot ito ng teknolohiya o ‘di kaya ang patuloy na pagpasok nang iba’t ibang impluwensya ng ibang mga bansa. Mga piraso ng kultura ay naging watak-watak at minsan hindi na ito nahanap.

“Mahalin ang sariling atin”, mga katagang madaling sabihin pero minsan lamang na binigyan ng pansin. Solusyon ito upang manatili ang kuturang minsan ay nalilimutan natin, ilimbag sa mga libro, ipaalala sa lahat ng tao. Hitik na kultura dapat pa nating ipalago, bawat piraso nito ay parte na rin ng buhay at pagkatao ng bawat Pilipino. Huwag natin balewalain, alagaan at payabungin. Kultura ay tayo at ito ay ating mahalin.

The Teacher's Guide Literary Supplement (May 2023).

Previous Post Next Post