by Junjie B. Dimo, West Visayas State University
Sa babae at lalaking tunay ang pangarap na bumuo ng pamilya, anak ang laging inaasam at pinaghahandaan. Lahat ng pagsusumikap, pagtitiyaga, pagsisinop ay para sa bunga ng kanilang pagmamahalan.
Sa pagluwal, pagpupuyat, pagpapalaki, pagtuturo, pagpapaaral at paggabay ay hindi kailanman nawawala ang pagmamahal, laging nandoon ang paghanga. Anumang hirap ay handang pagdaanan ng magulang, maliban sa pagod sa pagpapalaki … ang suliranin sa aspetong pinansyal para sa pangangailangan ng anak.
Ang ina at ama ay hindi rin naman masasabing perpekto. May mga pagkakataong nagiging mahigpit at masungit na bunga ng hirap, pagod at takot na minsan o karaniwang hindi nauunawaan ng mga anak. Nakalulungkot ang ganitong sitwasyon na nagbubunga ng paglayo ng damdamin ng anak sa magulang hanggang sa sukdulang talikdan ng anak ang nagluwal, nagpalaki at nagmahal sa kanya o pagtakwil ng magulang sa anak sanhi ng pagrerebelde ng huli.
Sa mga anak, mula sa mga nagbibinata at nagdadalaga, bigyan-panahon na maalaala ang lahat ng lahat pagmamahal, pagmamalasakit at pagtitiis ng mga magulang. Responsibilidad ng magulang na palakihin nang maayos at mabigyan ng magandang kinabukasan ang anak ngunit kahit anong pagsisikap ang kanilang gawin ay hindi ito maisasakatuparan at malayong mangyari kung hindi rin nagagawa ng anak ang kanyang responsibilidad bilang bahagi ng pamilya, bilang anak.
Isang napakalaking karangalan sa magulang ang makitang maayos na lumalaki ang anak…magalang, palaaral, masinop, masipag, mapagmahal, mabait, maunawain, at may takot sa Tagapaglikha. Walang higit pang inaasam ang mga magulang kundi makitang mabuti ang kalagayan at pamumuhay ng anak hanggang sa panahong maiiwanan na nila ang mga itong ulila.
Hindi obligasyon ng anak na suklian ang pagpapalaki ng magulang ngunit masakit ang talikuran lamang sila sa kanilang pagtanda. Kailangan rin nila na maramdaman ang pagmamahal sa panahong sila ay unti-unti nang binabawian ng lakas at sigla, kailangan nila ang sana’y tagagabay na may malawak na pang-unawa at pagtitimpi sa mga sandaling bumabalik sila sa pagkabata at nasa takip-silim na ng kanilang buhay. Alalahaning noon, ikaw bilang anak ay ang LAHAT sa kanila. Ito ang panahong hindi kailangang bayaran ang kanilang pagpapalaki kundi suklian ang pagmamahal na walang hanggang kusang ibinibigay.
This essay also appeared in print edition of The Teacher's Guide Literary Supplement (May 2023).