by Mary Ann L. Villavicencio, West Visayas State University
Isang salitang nagpapahirap sa napakaraming mamayang Pilipino. Dahil dito, napakarami sa atin ang hindi nabigyan ng pagkakataong magkaroon ng sapat na edukasyon lalong-lalo na sa mga kabataan at mga magulang na nais maitaguyod nang tama ang kanilang pamilya. Isang napakalupit na suliraning dumagsa sa buhay ng bawat isa na halos magkakandarapa at gumagapang para malabanan ito nang sobra. Pero sa kabila ng lahat, ito’y makakayanan ba? Isang tanong na ang kasagutan ay nasa atin na mismo simula’t sapul pa.
May solusyon pa ba rito? O wala na? ang kasagutan dito ay nakasalalay rin sa kamay ng namamahala sa ating gobyerno, kung paano nila matutulungan nang husto ang mga mamamayan nitong patuloy na naghihikaos na makaahon sa hirap ng buhay na kinakaharap.
Mga mamamayan mismo, ikaw, ako, sila , tayo, ay may napakalaking responsibilidad sa pagbibigay ng karagdagang solusyon dito. Ang ating pagiging masigasig, responsible, paggawa nang mabuti, at may plano tungo sa tamang direksyon ng buhay. Sikaping makapag-aral at makapagtapos nang sa gayon ay makahanap ng tama at matinong trabaho para sa mabuting kinabukasan.
Sungkitin ang pinakarurok ng inaasam-asam na tagumpay. Walang imposible sa mga taong naghahangad na mapabuti ang buhay. Ngunit lahat ba ay nagtataglay nitong mga katangian? Kung mangilan-ngilan lamang, paano na? Ang taong lumaki sa hirap na walang plano sa hinaharap ay siya ring ipamamana sa mga anak. Paano aasenso ang buhay kung ganito na lamang ang kanilang mga prinsipyo. Sana magising sila sa katotohanan na napakahalaga ng buhay sa mundong ito.
Edukasyon,isa rin sa mga solusyon sa kahirapang ito. Kahit walang trabho ang mga magulang basta’t ang prayoridad ay mga pangangailagan ng kanilang mga anak sa pag-aaral at hinahanapan ng paraan ang anumang kakailanganin. Sigurado aasenso ang buhay at may magandang mararating balang araw. Nakalulungkot isipin, mahapdi sa dibdib tingnan ang mga taong sinalanta ng ganitong klaseng delubyo.
Makikita mong ang mga kabataan sa musmos na edad pa lamang ay namamalimos na sa kalye at halos hindi makapagbihis at makapaglinis ng katawan sapagkat mas inuuna pa ang kalam ng kanilang mga sikmura sa bawat araw. Sana kung lahat ay ipinanganak na may gintong kutsara, siguro napakasaya ng bansang Pilipinas, walang nagdarahop at palaboy-laboy sa lansangan.
Pero naniniwala ako na lahat ng delubyo sa buhay ng tao ay may katapusan, basta’t sama-sama at tulong-tulong ang bawat isa. May kasabihan nga na “Ang katamaran ay katumbas ng kahirapan.” Kahit saan mo ibato ang kasabihang ito, samu’t-saring kasagutan ang mabubuo. May magsasabing isisisi sa gobyerno. May magsasabing tamad lang talaga ang mga Pilipino. Napakaraming trabahong matino ang naghihintay, pero sadyang mapili lang talaga siguro, kasi nga ayaw magsimula sa maliit na sweldo at ang gusto ay agad-agad aasenso.
Kung isisisi sa gobyerno ang lahat ng ito, mangyari, may magagawa naman siguro sila para mabilgyang solusyon ang suliraning ito. Nang sagayon ang umaangat ay patuloy na aasenso at ang mga mahihirap ay unti-unting sisigla ang buhay sa pag-asang sila ay may pagkakataon pa na magkaroon ng magandang bukas.
Ang kawalan ng paninindigan at pagiging iresponsable ng mga magulang ay isa sa mga nag-uudyok sa kanila sa kahirapan. Kung ginagawa lamang nila ay taliwas dito, walang kabataang gutom at palaboy-laboy. Kawawang mga inosenteng napariwara ang buhay at namulat sa masalimuot na landas. Napakarami rin namang programa ang ating pamahalaan tulad ng libreng edukasyon, pabahay, negosyo, pagbibigay-tulong pinansyal sa mga napakahirap na mga pamilya, pero bakit hindi pa nila kayang papag-aralin ang kanilang mga anak.
Pagkatapos nito ibabalik na naman ang sisi sa kung sino-sino. Paano tayo aasenso nito, kapag ganito kabulok ang mga dahilan ng mga mamamayang Pilipino? Bumangon na tayo sa kahirapang ito nang sa gayon makamit natin ang inaasam-asam na tagumpay at pagbabago. Kapit-bisig para labanan ang suliraning ito ng lipunan.
Ang Kahirapan.
The Teacher's Guide Literary Supplement (May 2023)