Sanaysay | Diborsyo: Ngayon o Sa Ibang Panahon?

 


by Kenneth P. Reyes, Nueva Ecija University of Science and Technology

Hindi na bago sa ating kaalaman na maraming mag-aasawa ang madalas na mag-away at walang pagkakaintindihan.Ang iba sa kanila ay nagkakapatawaran ngunit ang iba naman ay humahantong sa hiwalayan.Sa ating bansa maraming kaso na rin ang naitala sa gantong sitwasyon. Kaya ba tila sa pagdaan ng mga oras, araw, at panahon ay ninanais na ng publiko na magkaroon sa Pilipinas ng tinatawag na diborsyo.

Diborsyo, isang kontrobersyal at mainit na isyu sa bansa. May mga nagpanukala ngunit mayroon din namang tumutuligsa. Ikaw? Isa ka ba sa mga sumasang-ayon sa pagsasabatas o isa ka sa mga naniniwalang ang kasal ay hindi dapat magwakas?

Halos lahat na ng bansa sa mundo ang naisakatuparan ang legalisasyon ng diborsyo maliban na lamang sa Pilipinas at Vatican. Ang diborsyo ay ang legal na paghihiwalay at pagsasawalang bisa ng kasal ng mag-asawang nagkakasakitan na lamang. Sa Pilipinas, matagal ng mayroong diskurso at mainit na pagtatalo kung dapat ba o hindi dapat gawing legal ang diborsyo. Marami na rin ang nanawagan at humihiling sa Estado ng isang legal na proseso ng paghihiwalay ng mga mag-aasawang wala ng pag-asang maisalba ang kanilang relasyon. Mga mag-aasawang nais ng kumawala sa hirap ng sitwasyon.Mga mag-aasawang nais nang kalagan ang bigkis ng kanilang pagkakatali sa isa't isa. At mga mag-aasawang ang pangako'y ayaw ng tupdin pa.

Ayon sa isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS), 60 bahagdan o porsiyento o anim sa 10 pinoy ang pabor na gawing legal na ang diborsyo sa bansa. Kung ating susuriin na malinaw ang dedisyon st pananaw ng mga mamamayan patungkol sa isyu. Sa kabila ng adhikaing ito ng publiko at Estado ay mariin pa ring tinutulan ng Simbahang Katolika ang nasabing panukala. Sapagkat, maliwanag sa katuruan ng simbahan na ang kasal ay sakramento. Dito ay ipinamumulat sa ating mga kaisipan na ang pagsasama ng mag-asawa at pagkakasal ay sagrado kaya marapat lamang na hindi sila papaghiwalayin ng kahit anong batas pati na rin ng tao.

"The church is all for the protection of rights especially for the aggrieved parties", wika ni Fr.Jerome Secillano, Executive Secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).

"Divorce is anti-marriage and anti-family!", dagdag pa niya.

Sa mata ng Diyos ay walang kahit anong sitwasyon at panahon ang maaaring sumira ng relasyon ng mag-asawang nanumpa sa dambana kaya ganito na lamang ang pagtutol ng Simbahang Katolika.Ngunit paano nga ba kung diborsyo na lang ang solusyon? Tama pa bang magtiis o nararapat na nga bang umalis?

Si Housespeaker Pantaleon Alvarez ang siyang pangunahing may-akda ng panukala kasama niya rito si Albay Representative Edcel Lagman at iba pang mambabatas. Si Rep. Lagman naman ang may-akda ng sumusulong sa Kongreso na "Absolute Divorce and Dissolution of Marriage Bill." Dahil dito ay marami na rin ang naninindigan sa pagpapatupad ng diborsyo. Naniniwala sila na ito na ang tamang panahon para magkaroon ang ating bansa ng ganitong uri ng batas. Nais na ng ibang may matataas na posisyon na tuldukan na ang pang-aabuso at pagkakasakitan sa pagitan ng mag-asawa sapagkat tungkulin din ng Estado na proteksyunan at pangalagaan ang karapatan ng isang mamamayan kaya diborsyo ang naiisip nilang solusyon.

May lugar na nga ba ang diborsyo sa Republika ng Pilipinas? Ito na nga ba ang tamang panahon o mayroon pang ibang solusyon? Kung tutuusin marami pa rin namang ibang paraan para matigil ang pagkakasakitan ng mag-asawa. Hindi sa paraan ng diborsyo o paghihiwalay. Sapagkat ang diborsyo ay napakagastos at ang mga mayayaman o may pera lamang sa bansa ang may kaya nito. Hindi pa handa ang bansa upang yakapin ang ganitong batas sapagkat hindi naman lahat ay makikinabang dito. 

Ayon kay Atienza, 52 taon na silang mag-asawa ng kanyang misis na si Beng, at napakarami na nilang pinagdaanan na away subalit kahit kailan ay hindi niya naisip ang divorce at iwan ang kanilang mga anak. Sa halip na isulong ang panukalang diborsyo ang dapat umano ay palakasin ng gobyerno ang mga batas na may kinalaman sa pamilya at pakilusin ang mga opisina na may kinalaman sa mag-asawa, hanapbuhay at ekonomiya dahil kabilang umano ito sa maraming problema na gumugulo sa pagsasama ng mag-asawa.

The Teacher's Guide Literary Supplement (May 2023)


Previous Post Next Post