Sanaysay | Abakada-Ako sa Sapatos ng Aking Estudyante

 


by Kenneth P. Reyes, Nueva Ecija University of Science and Technology

Mula sa tahimik at tila abandonadong mga silid-aralan, unti-unti nang nagkakaroon ng kulay at sigla ang mga paaralan sa iba’t ibang lugar. Nagsisimula na rin ang ingay na maririnig sa bawat madaanang koridor sa paaralan. Nagkakaroon na rin ng mga personal na interaksyon at diskurso, hindi na limitado sa teknolohiya lamang.

Habang pinagmamasdan ko ang pagbabalik ng lahat sa normal na pamamaraan ng pag-aaral, hindi ko pa rin maiwasang mabahala sapagkat batid ko ang hirap ng buhay ng mga kapwa kong mag-aaral. Ayokong magpanggap na bulag sa riyalidad dahil lang mayroon akong mga kagamitan, at sapat na pagkukuhanan ng mga impormasyon.

Alinsunod sa samu’t-saring memorandum na nailabas ng DepEd at CHED, ramdam ko rin ang saloobin pati ng mga guro. Dahil katulad naming mag-aaral, maraming preparasyon, pag-aayos, at paghahanda ang kanilang ginagawa. Nang makulong tayo sa gitna ng pandemya, bukod sa paghahanda ng materyales na ipamimigay sa mga mag-aaral, marami pa silang ibang importanteng ginagawa upang makapaghatid ng kalidad na Edukasyon.

Sa aking pagbabalik-tanaw sa iba’t ibang karanasan sa moda ng pag–aaral dahil sa pandemya, natatawa na lamang ako kapag naalala ko ang mga gabing umiiyak ako dahil ako ay malayo sa aking pamilya. Na parang dati ay hindi ko pa alam kung paano sisimulan ang pag-aaral ko ng kolehiyo lalo pa at birtwal lamang ang diskusyon at pagkikita. Na parang kailan lang, iniisip ko pa kung paano makikisalamuha sa aking mga kaklase at ibang kamag-aral dahil likas din akong mahiyain. Parang kahapon lang nangyari ang mga pagkakataong namimigay pa ako ng load sa mga kaklase kong walang internet connection at umaasa lamang sa mobile data ng kanilang telepono. Parang kailan lang ay inaalalayan ko pa ang mga kaklase kong kumakayod din sa trabaho upang sila ay makasabay pa rin na makapag-aral. Sa aking pagpasok sa kolehiyo noon, bitbit ko ang mentalidad na taos pusong tulungan ang mga nangangailangan dahil nais kong walang maiwanan sa amin tungo sa daan ng tagumpay.

Sa aking pagbabalik-tanaw, doon ko napagtanto na mahigit tatlong taon na pala. Ang dami nang nagbago na kung minsan ay hindi ko na rin makilala ang mga dati kong nadadaaanan sa kalsada. Tatlong taon na ang lumipas at nasasanay na rin ako unti-unti na hindi na lamang tradisyonal na ayos sa silid-aralan ang moda ng pag-aaral at pagtuturo. Dahil habang tumatagal, bumubukas pa lalo ang aking isipan sa mga pagbabagong maari pang mangyari sa susunod pang mga taon.

Aaminin ko, may pagkabahala at alinlangan pa rin ako. Ngunit hindi ito rason para mapigil ang pag-alab ng puso ko na matuto sa kahit ano mang paraan. Gagamitin ko ang aking mga karanasan, kakayahan, at karunungan upang pasiklabin pa ang apoy sa sulo ng tagumpay. Higit sa lahat, bilang isang guro sa hinaharap, bitbit ko ang lakas ng loob upang makamit ang aking adhikain na maging isang kabalyero ng hinaharap na kung saan gagamitin ko ang edukasyon bilang aking sandata.

The Teacher's Guide Literary Supplement (May 2023)


Previous Post Next Post